Agad na rumesponde ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-XII, sa pamamagitan ng Protected Area Management Office ng Sarangani Bay Protected Seascape (PAMO-SBPS), katuwang ang lokal na komunidad, mga opisyal ng Barangay Burias, at ang Philippine Coast Guard matapos matagpuan ang isang walang-buhay na dugong (Dugong dugon) na inanod sa pampang noong gabi ng Agosto 14, 2025.
Ayon sa inisyal na ulat, natagpuan ng mga residente ang naturang marine mammal at agad itong iniulat sa mga awtoridad upang masiguro ang wastong pangangasiwa at imbestigasyon sa insidente.
Patuloy na tinutukoy ng mga eksperto mula sa DENR at PAMO-SBPS ang sanhi ng pagkamatay ng dugong, isang hayop na itinuturing na endangered species at mahalagang indikasyon ng kalusugan ng marine ecosystem.
Hinimok naman ng DENR-XII ang publiko at mga mangingisda na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa Sarangani Bay upang maprotektahan ang mga katulad na hayop at mapanatili ang balanseng ekolohiya sa karagatan.