-- ADVERTISEMENT --

Binigyan ng bagsak na grado na 0 out of 10 ng isang propesor mula sa University of the Philippines ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasunod ng umano’y kakulangan ng malasakit sa mahihirap at mga nasa laylayan ng lipunan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Professor Danilo Arao, Associate Professor ng Department of Journalism sa UP Diliman, inihayag niyang walang malinaw na mensahe para sa marginalized sectors ang SONA ng Pangulo. Ayon sa kanya, tila nakatuon lamang ito sa mga istatistika at proyektong pabor sa mga mayayaman at makapangyarihan.

Bagamat ikinatuwa ni Arao ang paggamit ng wikang Filipino ng Pangulo sa kanyang talumpati, sinabi nitong hindi sapat na isalin lamang sa Filipino ang mga polisiya at programa — lalo na kung wala namang konkretong benepisyo para sa mga mahihirap. Giit niya, hindi dapat gawing palusot ang simpleng pananalita para lang pagtakpan ang mga problemang hindi natutugunan.

Ipinunto rin ni Arao na kulang sa pagbanggit ng mahahalagang isyu ang SONA, gaya ng online gambling, na isa sa mga usaping may seryosong epekto sa moralidad at kabuhayan ng maraming Pilipino. Hinahanap din ng propesor ang posisyon ng administrasyon kaugnay sa mga isyu sa karapatang pantao, labor rights, at edukasyon.

Mas mabigat pa rito, sinabi ni Arao na may mga pahayag sa SONA na maaaring ituring na misleading o hindi tugma sa katotohanan, at may posibilidad din na hindi matupad ang ilan sa mga pangako ng Pangulo sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino.

Nanawagan si Arao na sa mga susunod na ulat sa bayan, dapat sentro ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan at hindi ang pagtatakip sa mga tunay na isyu ng bansa.