Nasawi ang isang kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 106th Base Command na si Kumander Buntok Utap matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng Dansalan Elementary School sa Barangay Panadtaban, umaga ng Lunes, Hulyo 21,2025.
Ayon sa Rajah Buayan Municipal Police, tinamaan ng ligaw na bala ang isang babae na agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa likod ng insidente.
Nabatid na noong Hulyo 10 ay dumalo si Kumander Utap sa isang rido settlement upang makipag-ayos kay Barangay Chairman Norudin Utto.
Pinangunahan ang nasabing kasunduan ng 601st Infantry Brigade, 33rd Infantry Battalion, at lokal na pamahalaan sa kampo ng 33rd IB.