Hindi bababa sa 90 katao ang nasawi matapos ang malakas na pagsabog sa isang minahan ng karbon sa hilagang bahagi ng China.
Nangyari ang insidente sa Liushenyu Coal Mine na pinapatakbo ng Tongzhou Group sa Shanxi Province.
Agad namang ipinadala ng mga awtoridad ang daan-daang rescuers sa lugar upang hanapin ang mga nawawala at posibleng survivors mula sa trahediya. Naka-deploy na rin ang mga paramedics at ambulansiya habang mahigit 100 katao ang isinugod sa iba’t ibang pagamutan dahil sa tinamong sugat at pagkalason sa gas.
Batay sa paunang ulat, nasa 247 minero ang nasa loob ng minahan nang mangyari ang pagsabog.
Kasunod ng insidente, nanawagan si Xi Jinping sa mga awtoridad na pabilisin ang rescue operations at tiyaking mabibigyan agad ng lunas ang mga sugatan.
Iniutos din ng Chinese President ang agarang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente at mapanagot ang mga responsable sa trahediya.
Ayon sa state media, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang ilang opisyal na namamahala sa minahan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bagama’t hindi pa opisyal na inilalabas ang eksaktong sanhi ng pagsabog, lumalabas sa mga paunang ulat na lumampas umano sa itinakdang limitasyon ang carbon monoxide sa loob ng minahan — isang mapanganib at walang amoy na nakalalasong gas.
Kilala ang Shanxi Province bilang pangunahing sentro ng coal mining sa bansa at isa rin sa mga pinakamahihirap na lalawigan ng China.
Bago ang pinakahuling insidente, kabilang sa pinakamalalang mining disaster sa bansa ang pagguho ng isang open-pit coal mine sa Inner Mongolia noong 2023 na ikinasawi ng 53 katao.













