-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Koronadal City Police ang pitong lalaki matapos silang mahuli sa isang anti-illegal drug operation sa Purok Nagkakaisa, Barangay GPS, Koronadal City nitong Enero 23, bandang ala-una ng hapon.

Ayon sa pulisya, isang barangay opisyal ang humingi ng tulong matapos makitang may grupo ng lalaki na nagsasagawa ng pot session sa Rivera Street.

Agad na rumesponde ang mga pulis at nahuli ang mga suspek na may mga alyas na “Noel,” “Nasrudin,” “Amado,” “Bobby,” “Ronnie,” “Eric,” at “Rene.”

Narekober mula sa kanila ang tinatayang 0.5 grams ng shabu na may halagang Php3,400, isang gram ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng Php200, at iba pang gamit tulad ng improvised tooter at lighter.

Ipinaliwanag ang kanilang karapatan bago sila dinala sa himpilan ng pulisya.

Susuriin ang mga nakuhang droga ng South Cotabato Provincial Forensic Unit para sa pormal na kaso laban sa mga suspek.