-- ADVERTISEMENT --

Aabot sa 55 katao ang inaresto matapos buwagin ng mga awtoridad ang mga kampo ng mga aktibistang tumututol sa tumitinding krisis sa pabahay sa Lisbon at Porto, Portugal, nitong Martes ng madaling-araw.

Ayon sa pulisya, humigit-kumulang 200 tolda ang itinayo sa Rossio Square sa Lisbon mula Sabado, habang 10 araw nang okupado ng mga nagpoprotesta ang Dom Joao I Square sa Porto. Inaresto ang mga tumangging kusang umalis sa mga lugar, habang dalawa naman ang nagtamo ng minor injuries.

Hiniling ng mga aktibista na pigilan ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bahay at upa. Tinutulan din nila ang panukalang magpapadali sa pagpapaalis sa mga nangungupahan at mag-aalis sa limitasyon sa upa para sa mga bagong kontrata.

Sa kabila ng clearing operation, nangako ang mga organizer na ipagpapatuloy ang protesta sa Lisbon upang igiit ang mga hakbang laban sa krisis sa pabahay.