-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagsabog ng granada sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na nagresulta sa pagkakasugat ng apat na indibidwal nitong Huwebes ng gabi, December 4.

Kinilala ang mga biktimang sina Ryan Obpon, 51; Abdulazis Saludin, 20; Nasrullah Unayan, 27; at ang 24-anyos na si Jonalyn Mamay, lahat residente ng Sitio Malinis sa Barangay Mother Poblacion.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isang 40-millimeter grenade projectile ang pinaputok mula sa malayo gamit ang launcher at tumama malapit sa kinaroroonan ng mga biktima bago sumabog.

Mariing kinondena ni Mayor Akmad Baganian Ampatuan ang insidente, at hiniling sa PRO-BAR at sa Army’s 601st Infantry Brigade ang agarang pagtulong upang matukoy ang mga nasa likod ng pag-atake.

Aminado naman ang pulisya at mga intel unit ng militar na wala pa silang malinaw na lead kung sino ang responsable sa pambobomba, na hindi umano unang nangyari sa Shariff Aguak sa mga nagdaang buwan.

Tiniyak ni Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman na naka-alerto na ang kanilang intelligence units upang mapabilis ang pagresolba sa kaso at masiguro ang seguridad ng mga residente.

Kasunod nito, ipinag-utos ni Hon. Mayor Datu Akmad Mitra Ampatuan ang agarang pagsasagawa ng Emergency Quarter Joint Council Meeting dahil sa sunod-sunod na pagsabog ng M79 grenade launcher na tumama sa mga kabahayan sa Barangay Poblacion Mother, lalo na sa Barrio Malinis.