-- ADVERTISEMENT --

Sumuko sa Joint Task Force (JTF) Central ang apat na miyembro ng Dawlah Islamiyah Group sa Barangay Zapakan, bayan ng Radjah Buayan, Maguindanao del Sur, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan at pagkakaisa sa Central Mindanao.

Isinuko ng mga dating rebelde ang ilang high-powered firearms, kabilang ang isang 5.56mm Bushmaster rifle, isang 5.56mm M16 rifle, at dalawang .30 caliber M1 Garand rifles.

Ang mga sumukong personalidad at kanilang mga armas ay pormal na iprinisenta kay Brigadier General Edgar Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, kasama ang mga kinatawan mula sa LGU ng Shariff Aguak at Radjah Buayan, Ministry of Public Order and Safety–BARMM, at iba pang ahensya ng gobyerno.

Sa parehong okasyon, labintatlong loose firearms din ang isinuko ng 33rd Infantry Battalion bilang bahagi ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program. Kabilang sa mga ito ang mga sniper rifle, rocket-propelled grenade launchers, shotgun, submachine guns, pistols, at iba pang uri ng maliliit na armas.