KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang tatlong kasapi ng pinagsanib na grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters matapos na boluntaryong sumuko sa Philippine Marines sa Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat ng 1st Marine Brigade at 6th Infantry Division ng Philippine Army, kusang loob na nakipag-ugnayan ang tatlong lokal na terorista sa mga opisyal ng Marine Battalion Landing Team-2 (MBLT-2) sa tulong ng mga lokal na opisyal.
Nangako ang mga ito na tatalikuran na ang kanilang dating buhay at makikiisa sa mga programa ng kapayapaan at seguridad ng nasabing yunit.
Saklaw ng operasyon ng MBLT-2 ang mga bayan ng Barira, Matanog, Parang, at ilang mga barangay sa Sultan Mastura at Sultan Kudarat sa lalawigan ng Maguindanao del Norte.
Ang mga yunit ng 1st Marine Brigade sa lugar ay nasa ilalim ng operational control ng 6th Infantry Division. Napag-alaman na bago nanumpa ng katapatan sa pamahalaan, isinuko muna ng tatlong dating rebelde ang dalawang 60 millimeter mortars, isang B-40 rocket launcher, at ilang mga improvised explosive devices (IEDs) sa mga opisyal ng MBLT-2.
Ayon sa salaysay ng tatlong sumukong terorista, matagal silang nagpalipat-lipat sa mga liblib na bahagi ng Barira upang makaiwas sa operasyon ng MBLT-2, na may malawak na saklaw ng anti-terror operations sa lugar.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman sina Brig. Gen. Romulo Quemado, commander ng 1st Marine Brigade, at Maj. Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, sa mga residente ng Barira at sa mga lokal na opisyal na tumulong sa paghimok sa tatlong terorista upang sumuko at tahakin ang landas ng kapayapaan.
Ayon naman kay Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID Philippine Army, patuloy ang kanilang panawagan sa mga armado at teroristang grupo na sumuko na rin upang makapamuhay ng payapa kasama ang kanilang mga pamilya.