Matagumpay na naisagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang rescue operation sa 28 katao matapos sumadsad ang isang yate sa loob ng Tubbataha Reefs Natural Park noong Hunyo 14.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nag-umpisa ang insidente bandang alas-5 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat tungkol sa MY Philippine Siren 2, na tinamaan umano ng malalakas na hangin habang nakadaong sa boya, humigit-kumulang 7.2 nautical miles hilagang-silangan ng reef. Ang yate ay nagmula sa Puerto Princesa City noong Hunyo 10 para sa diving expedition.
Sa kabuuan, 14 na diver at 14 na Pilipinong crew ang nasagip. Kabilang sa mga diver ang siyam na Amerikano, tatlong German, at dalawang Pilipino. Inilipat ang karamihan sa kanila sa yate na MY Resolute, na ligtas na nakabalik sa Puerto Princesa.
Habang patuloy ang operasyon, nanatili sa lugar ang ilang crew ng barko at nagpadala rin ang PCG ng BRP Cape Engaño para tumulong sa monitoring at environmental protection.
Sa ngayon, nananatiling nakalutang ang yate at wala pang naitatalang oil spill o anumang senyales ng marine pollution sa loob ng Tubbataha protected waters.













