-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pananambang sa grupo ng isang municipal councilor nitong Huwebes, Disyembre 4, bandang alas-3:46 ng hapon sa national highway, Barangay Tuka, Mamasapano, Maguindanao del Sur, na ikinasawi ng isa at ikinasugat naman ng konsehal.

Kinilala ng PRO BAR ang nasawi na si Samsudin D. Manib, 25 anyos, residente ng Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur habang ang sugatan naman ay si Councilor Montasir Dimalido, na sakay ng kanilang Innova, habang nakaligtas ang isa pang konsehal na si Abdulmanap Biang.

Batay sa imbestigasyon, habang binabaybay ng sasakyan ang ruta mula Cotabato City patungong Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, isang hindi pa nakikilalang suspek ang nagpaulan ng bala sa harapan ng Barangay Hall ng Tuka.

Hindi pa tukoy ng mga otoridad ang kalibre ng baril na ginamit nito.

Nagtamo ng tama si Manib at namatay agad, samantalang isinugod sa ospital ang sugatang konsehal.

Agad na nakipag-ugnayan ang Mamasapano MPS sa kalapit na mga himpilan at AFP counterpart para sa posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa suspek.

Sa ngayon, inaalam pa ang motibo ng pananambang sa mga biktima.