Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa pamamaril na ikinasawi ng isang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Purok-4, Barangay Sta. Cruz, San Jose, Dinagat Island..
Kinilala ang biktima na si Patrolman Ferry Sida Jaso, 29-anyos, residente ng Mainit, Surigao del Norte, habang ang suspek ay si Anjun Casador, kaswal na empleyado ng Land Transportation Office (LTO) at residente ng Purok-1, Barangay Sta. Cruz.
Ayon sa San Jose Municipal Police Station, nagsasagawa ng surveillance operation ang CIDG laban kay Casador nang bigla umano nitong bunutin ang baril at barilin sa ulo si Patrolman Jaso, na agad nasawi sa lugar.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa San Jose Municipal Police Station habang tinutukoy ang motibo sa likod ng pamamaril.