-- ADVERTISEMENT --

Nagbigay ng maikling pahayag si Vice President Sara Duterte’s chief of staff na si Zuleika Lopez bago lisanin ang Senado nitong Huwebes, kasunod ng kanyang pakikipagpulong kay Senate Secretary Renato Bantug Jr.

“Prepare for Typhoon Inday,” ang tanging sinabi ni Lopez sa media bago umalis, ngunit hindi na siya tumugon sa iba pang katanungan. Bagama’t tumutukoy ito sa bagyong kasalukuyang nasa Philippine Area of Responsibility, “Inday” rin ang bansag ng ilang tagasuporta ng Bise Presidente.

Nilinaw naman ni Bantug na ang pagbisita ni Lopez ay para lamang sa mga administratibong paghahanda kaugnay ng nalalapit na impeachment trial. Kabilang sa kanyang mga katanungan ang bilang ng mga panauhing maaaring dalhin ng defense panel sa session hall at kung papayagan ang Office of the Vice President (OVP) na magkaroon ng sariling media coverage.

Ayon sa Senado, hindi papayagan ang magkabilang panig na magdala ng sariling media team dahil nakahanda na ang opisyal na media coverage para sa paglilitis.

Samantala, pormal nang naipadala kay Lopez ang subpoena ad testificandum na nag-uutos sa kanyang humarap at tumestigo sa impeachment court sa Hulyo 13 at 14. Kaugnay ito ng mga alegasyong isinampa ng House prosecution panel, kabilang ang usapin sa umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.