Itutuloy ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagdinig sa impeachment complaint laban kay Sara Duterte sa itinakdang petsa na Abril 14, 2026, matapos hindi maglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema.
Ayon kay Gerville Luistro, chair ng House Committee on Justice, tuloy ang proseso dahil nananatili silang kumpiyansa na ang mga hakbang ng komite ay naaayon sa Konstitusyon at sa umiiral na mga patakaran ng Kamara. Iginiit niya na mahigpit na sinusunod ng panel ang due process at ang mga desisyon ng Korte Suprema.
Binigyang-diin din ni Luistro na magiging patas at ebidensya-based ang pagdinig, at may buong paggalang sa karapatan ng lahat ng panig. Para sa kanya, ang mga isyung ibinabato ng kampo ng bise presidente ay pawang mga teknikalidad lamang at hindi dapat maging hadlang sa pag-usad ng proseso.
Ipinaliwanag pa niya na ang impeachment ay isang mahalagang mekanismo ng pananagutan na nakapaloob sa Saligang Batas, na nagbibigay-daan upang masuri ang mga seryosong alegasyon laban sa matataas na opisyal ng gobyerno. Aniya, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga inaakusahan na maipagtanggol ang kanilang sarili.
Dagdag pa ng komite, sinusunod nila ang mga legal na limitasyon gaya ng one-year bar rule. Bagama’t inaasahan na ang posibleng mga legal na hakbang mula sa kampo ni Duterte, nananatiling kumpiyansa si Luistro na lilitaw ang katotohanan sa proseso ng pagdinig.













