-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling kontrolado at matatag ang seguridad sa loob ng bansa, at wala silang natutukoy na anumang “credible direct threat” laban sa teritoryo o mamamayang Pilipino sa kabila ng umiigting na tensyon sa Middle East.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng AFP na patuloy ang kanilang mahigpit na koordinasyon sa Department of National Defense (DND) at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan upang bantayan at suriin ang mga posibleng implikasyon ng sitwasyon sa rehiyon.

Hinimok din ng sandatahang lakas ang publiko na panatilihin ang kalmado, maging mapanuri laban sa maling impormasyon o disinformation, at umasa lamang sa mga opisyal at beripikadong anunsyo mula sa gobyerno.

Dagdag pa ng AFP, nakahanda silang magtalaga ng puwersa para sa repatriation o agarang pagpapauwi ng mga Pilipino, gayundin sa crisis response operations, sakaling maglabas ng direktiba ang pamahalaan para sa mga kababayan sa mga apektadong lugar.