Siniguro ng Philippine Army na walang nakikitang banta sa seguridad na maaaring makaapekto sa nakatakdang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, patuloy ang monitoring ng kanilang hanay sa mga lugar na may kasaysayan ng election-related concerns upang matiyak na walang magiging aberya sa halalan na nakatakdang isagawa sa Setyembre 14.
Nakahanda rin ang hukbo na magbigay ng suporta sa Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) upang mapanatili ang seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa buong proseso ng botohan.
Dagdag pa niya, sapat ang bilang ng kanilang mga tauhan para sa patuloy na deployment ng security missions sa rehiyon, partikular mula sa 1st, 6th, at 11th Infantry Divisions ng military sa western Mindanao.
Samantala, nagpahayag na rin ng pasasalamat ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa mga mambabatas para sa pagpapasa ng panukala na naglalayong i-reset ang first regular parliamentary elections sa Bangsamoro region.













