-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Sara Duterte na mahalagang mapanatili ang kalayaan ng mga institusyon at ng mga halal na opisyal upang maayos na magampanan ang kanilang tungkulin nang walang panggigipit o pananakot mula sa sinuman.

Sa isang video statement noong Hunyo 2, ipinahayag ng Bise Presidente ang kanyang suporta sa panawagang protektahan ang independensiya ng mga institusyon, kasunod ng mga usaping pulitikal na umuugong sa bansa.

Ayon kay Duterte, hindi lamang ang Senado at House of Representatives bilang mga institusyon ang dapat mapangalagaan, kundi maging ang bawat senador at kongresista na may responsibilidad na kumatawan sa mamamayan at magsagawa ng kanilang mandato nang malaya.

Binigyang-diin din niya na hindi nangangailangan ng pagsupil sa oposisyon ang mabuting pamamahala. Aniya, mas nagiging matatag ang isang demokrasya kapag may malayang oposisyon na handang magtanong, magbusisi at managot ang mga nasa kapangyarihan.

Kasabay nito, nagpahayag siya ng pangamba sa umano’y paggamit ng kapangyarihan upang patahimikin ang mga kritiko sa halip na tugunan ang mga pangunahing suliraning kinahaharap ng bansa.

Binanggit din ng Bise Presidente ang mga kontrobersiyang may kaugnayan sa flood control projects, mga usaping konstitusyonal, at iba pang hakbang na aniya’y nagdudulot ng pangamba hinggil sa direksiyon ng pamahalaan.

Para kay Duterte, nararapat na ituon ng gobyerno ang atensiyon sa paglutas ng mga problema ng mamamayan, pagpapatatag ng mga institusyon, at paglilingkod sa publiko sa halip na pagpapalawak o pagpapanatili ng kapangyarihang pampulitika.