Kasabay ng unang anibersaryo ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw, Marso 11, nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino na maging mapagmatiyag laban sa mga pagsubok na baluktutin ang hustisya. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Bise Presidente na isang paalala ang insidente ng extraordinary rendition o “kidnapping” sa dating Pangulo, na hindi dapat gamitin ang batas bilang sandata para sa pulitika o pansariling interes.
Ayon kay VP Sara, ang anumang pagyurak sa karapatan ng isang tao ay isang pag-atake sa katarungan, at hindi ito dapat pinapalampas. Ipinunto niya na ang ganitong uri ng pang-aabuso ay naglalagay sa hustisya at mga karapatang pantao sa panganib.
Dahil dito, umapela ang Bise Presidente sa mga Pilipino na manatiling tapat, malaya, at matatag sa mga institusyon ng bansa. Sinabi niya na walang sinuman ang dapat pagkaitan ng proteksiyon ng batas, at ang bawat isa ay nararapat tamasahin ang mga karapatang itinataguyod ng ating konstitusyon.
Matatandaan na noong Marso 11, 2025, si dating Pangulong Duterte ay inaresto sa kanyang pagdating mula Hong Kong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Ang arrest warrant ay inilabas ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga inaakusang crimes against humanity, kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs na naging kontrobersyal sa buong mundo.













