KORONADAL CITY – Tinanggap ng City Government of Koronadal ang paghingi ng paumanhin ng isang Davao-based vlogger na umakyat sa roundball rotonda ng lungsod para magsagawa ng “money hunt challenge.”
Kinilala ang vlogger na si Crist Briand o mas kilala sa social media bilang “Brader.”
Humarap siya kina Vice Mayor Erlinda “Bing” Pabi-Araquil, GSO Head Gemma Amor Panza, at CENRO Officer Augustus Bretaña matapos ang insidente kaninang umaga, Setyembre 2, 2025.
Giit ng mga opisyal, bagaman bukas at walang bakod ang roundball, hindi ito dapat inaakyatan ng publiko dahil ang hagdang naroroon ay nakalaan lamang para sa maintenance.
Posible rin itong magdulot ng aksidente, makasira ng mga nakatanim na halaman, at makaapekto sa mga nakalagay na kable at CCTV.
Dagdag pa ng LGU, delikado ring tularan ng iba ang ginawa ng vlogger lalo na kung dadagsa ang mga tao para maghanap ng perang inilagay sa lugar.
Paliwanag naman ni Brader, dala lamang ng kuryosidad ang kanyang ginawa at hindi niya alam na ipinagbabawal ito. Sa huli, pinayuhan siya ng LGU na burahin ang lahat ng social media posts kaugnay ng roundball challenge.