KORONADAL CITY – Naglabas ng public apology si vlogger Crist Briand Ukon Brader matapos umani ng batikos mula sa Muslim community dahil sa kanyang umano’y insensitive na social media post laban sa relihiyon ng Islam.
Ipinatawag si Ukon Brader ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Region XI upang ipaliwanag ang kanyang panig. Sa naturang pagpupulong, buong puso niyang inamin ang kanyang pagkakamali at nangakong hindi na ito mauulit.
Bilang bahagi ng kanyang paghingi ng tawad at pakikiisa, ipinahayag ng vlogger ang mga hakbang na kanyang gagawin:
- Pag-refrain sa paggawa at pag-post ng anumang content sa loob ng isang buwan.
- Pagdalo sa psychiatric consultation kasama ang kanyang ina upang mas maunawaan ang sarili at ang kanyang mga naging aksyon
- Aktibong pakikilahok sa mga programa ng Muslim community, kabilang na ang community assistance at feeding programs
- Pagpapakita ng mas mataas na respeto at responsibilidad sa kanyang mga pahayag at kilos sa hinaharap
Ayon sa kanya, malaking aral ang kanyang naranasan at nangakong magiging mas maingat at responsable sa mga susunod na pagkakataon.
Samantala, umaasa ang NCMF at ang Muslim community na magsilbing paalala ito sa iba pang content creators na maging responsable at sensitibo sa kanilang mga nilalaman sa social media.