Tinanong ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang prosekusyon ng International Criminal Court kung may balak din ba itong silipin ang mga insidente ng pagpatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay defense counsel Nicholas Kaufman, walang malinaw na batayan upang sabihing tumigil ang umano’y mga pagpatay na kinasasangkutan ng state agents o vigilante groups matapos mawala sa puwesto si Duterte. Giit niya, kung may nagpapatuloy mang ganitong insidente, dapat umanong maging pareho ang pagtingin at pag-iimbestiga rito.
Binanggit din ni Kaufman ang datos mula sa University of the Philippines Dahas Project, kung saan iniulat na 160 sa 342 naitalang pagpatay sa unang taon ng administrasyong Marcos ay iniuugnay sa state agents. Ayon pa sa ulat, tumaas umano ang bilang ng mga kaso mula 342 patungong 362 sa pagitan ng Hulyo 2023 at Hunyo 2024, at 34% dito ay sinasabing may kinalaman ang mga ahente ng estado.
Dahil dito, kinuwestyon ng abogado kung bakit wala umanong kaparehong panawagan para sa pananagutan laban sa mga nasa poder ngayon. Aniya, dapat maging konsistent ang prosekusyon sa pagtugon sa mga alegasyon, at hindi lamang nakatuon sa isang personalidad.












