Sinabi ng Philippine National Police na maaari umanong makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ni Ronald dela Rosa ang posibleng paglahok nito sa sesyon ng Senate of the Philippines sa pamamagitan ng video conferencing, sakaling maaprubahan ang panukalang amyenda sa rules ng Mataas na Kapulungan.
Ayon kay PNP Public Information Office chief P/Col. Allen Rae Co, maaari nilang gamitin ang teknolohiya o “link” na gagamitin sa teleconferencing upang makatulong sa pag-verify ng lokasyon ng senador.
Sa gitna ito ng umiinit na debate sa Senado hinggil sa panukalang payagan ang remote participation at online voting ng mga mambabatas, isang hakbang na tinututulan ng minority bloc dahil sa pangambang maaaring magamit ito ng mga may kinahaharap na kaso o imbestigasyon.
Ilan sa mga senador na nabanggit sa diskusyon ay sina Bong Go, na tinukoy sa isang reklamo bilang co-perpetrator sa International Criminal Court case, at iba pang mambabatas na may hiwalay na alegasyon o imbestigasyon.
Si dela Rosa ay iniugnay sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court kaugnay ng kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Patuloy pa rin ang diskusyon sa Senado kung hanggang saan maaaring payagan ang paggamit ng remote attendance nang hindi naaapektuhan ang proseso ng batas at seguridad ng mga mambabatas.













