-- ADVERTISEMENT --

Posibleng ilagay sa kustodiya ng US Marshals si Pastor Apollo Quiboloy sakaling pahintulutan ng pamahalaan ng Pilipinas ang kanyang extradition patungo sa Estados Unidos.

Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez na pormal nang humiling ang gobyerno ng Amerika na maipa-extradite si Quiboloy upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa Los Angeles.

Ayon kay Ambassador Romualdez, maaaring magpadala ang US Marshals ng sariling eroplano patungong Pilipinas upang sunduin si Quiboloy sakaling matuloy ang proseso. Mula rito, direktang dadalhin ang pastor sa Estados Unidos upang humarap sa mga awtoridad sa lugar kung saan isinampa ang mga kaso.

Posible ring makibahagi sa operasyon ang mga tauhan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) bilang bahagi ng paglilipat ng kustodiya.

Tinukoy ng ambassador ang kaso ni Quiboloy bilang isang high-profile international case dahil sangkot dito ang mga alegasyon ng human trafficking at sex trafficking, na kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng mga law enforcement agency sa buong mundo.

Naipadala umano ng US ang extradition request sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong Hulyo bago ito naendorso sa Department of Justice (DOJ) para sa kaukulang legal na pagsusuri.

Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong sex trafficking, bulk cash smuggling, fraud, at racketeering sa Amerika. Sa Pilipinas naman, nananatili siyang nakakulong sa Pasig City Jail kaugnay ng hiwalay na kasong qualified human trafficking at pang-aabuso.

Samantala, iginiit ng kampo ni Quiboloy, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, na hindi dapat madaliin ang extradition dahil patuloy pa ang pagdinig sa mga kasong kinakaharap niya sa mga lokal na hukuman.

Gayunman, maaaring magpatuloy ang proseso ng extradition kasabay ng mga umiiral na kaso sa Pilipinas, depende sa magiging aksyon ng DOJ at desisyon ng korte.