-- ADVERTISEMENT --

Itinutulak ng mga Democrat sa United States House of Representatives ang isang imbestigasyon laban sa United States Department of Justice dahil sa umano’y hindi pagsasapubliko ng ilang dokumento na may kaugnayan sa sexual abuse allegations laban kay Donald Trump.

Ayon sa mga miyembro ng House Oversight Committee, may mahigit 50 pahina umanong nawawala mula sa inilabas na “Epstein Files.” Sinasabing kabilang sa mga hindi naisapublikong rekord ang mga tala at buod ng panayam ng Federal Bureau of Investigation noong 2019 sa isang babaeng nag-akusa na inabuso siya ni Trump noong dekada ’80, nang siya ay menor de edad pa.

Mariing itinanggi ni Trump ang mga paratang laban sa kanya.

Sinabi naman ni Rep. Robert Garcia, ang nangungunang Democrat sa komite, na magsasagawa sila ng hiwalay o parallel na imbestigasyon upang makuha ang kabuuang dokumento.

Sa panig ng DOJ, iginiit nitong walang tinanggal o binurang files. Paliwanag ng ahensya, pansamantala lamang umanong hindi isinapubliko ang ilang bahagi ng mga dokumento upang maisagawa ang kinakailangang redactions para maprotektahan ang pagkakakilanlan ng biktima at iba pang sensitibong impormasyon, o dahil sakop ang mga ito ng privileged records.