-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Embahada ng Amerika sa Pilipinas sa mga mamamayang Amerikano na mag-ingat laban sa mga posibleng kilos-protesta at demonstrasyon sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa inilabas na abiso ng US Embassy, pinapayuhan nito ang lahat ng American nationals sa buong mundo na maging mapagmatyag, manatiling alerto, at magpatupad ng mga tamang hakbang sa personal na seguridad.

Ayon sa embahada, posibleng maganap ang mga demonstrasyon sa Pilipinas, kabilang na ang mga rally sa paligid ng US Embassy.

Nagpaalala rin ang embahada na ang pagsali ng mga foreign nationals sa mga protesta ay maaaring ituring na paglabag sa kanilang immigration status.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga American nationals na mag-ingat, lalo na kapag nasa malalaking pagtitipon, maging ito man ay mapayapang rallies o demonstrasyon na maaaring magdulot ng bayolenteng protesta nang walang paunang babala. Dapat din nilang sundin ang mga tagubilin mula sa mga lokal na awtoridad.

Hinikayat din ng US Embassy ang mga American citizens na mag-enroll sa Smart Traveler Enrollment Program (STEP) upang makatanggap ng mga alerto at madali silang matunton sakaling mangyari ang anumang emergency.