-- ADVERTISEMENT --

Pumanaw na ang kilalang civil rights leader at Baptist minister na si Jesse Jackson sa edad na 84.

Kinumpirma ng kaniyang pamilya ang balita ngunit hindi na nagbigay ng detalye hinggil sa sanhi ng kaniyang pagpanaw. Noong Nobyembre ng nakaraang taon, isinugod siya sa ospital dahil sa progressive supranuclear palsy (PSP), isang sakit na nakaaapekto sa paggalaw at balanse ng katawan. Taong 2017 naman nang ma-diagnose siya na may Parkinson’s disease.

Isinilang si Jackson sa Greenville, South Carolina at nakilala bilang isang masugid na aktibista para sa karapatang sibil. Naging malapit siya kay Martin Luther King Jr. at kasama sa mga nagmartsa sa iba’t ibang protesta para sa pagkakapantay-pantay ng mga African American.

Dalawang beses din siyang tumakbo sa pagkapangulo ng Estados Unidos noong 1984 at 1988 ngunit hindi nagtagumpay. Noong 1984, itinatag niya ang National Rainbow Coalition, isang grupong naging kritikal sa administrasyon ni Ronald Reagan.

Noong 1999, tumulong si Jackson sa negosasyon para mapalaya ang tatlong sundalong Amerikano na bihag noon sa Yugoslavia. Dahil sa kanyang ambag, ginawaran siya ni Bill Clinton ng Presidential Medal of Freedom.