Mahigit 20 milyong kabataan sa 21 bansa ang tinatayang nakararanas ng online sexual abuse at exploitation bawat taon, ayon sa United Nations Children’s Fund o UNICEF.
Batay sa ulat, higit isa sa bawat limang kabataang edad 12 hanggang 17 ang posibleng maging biktima ng pang-aabuso sa mga pampublikong digital platform, kabilang ang social media at messaging applications.
Lalong ikinababahala ng UNICEF ang mababang bilang ng mga naiuulat na kaso, dahil wala pang isang porsyento umano ng mga insidente ang naitatala sa mga awtoridad.
Ayon sa ahensya, maaaring kabilang sa mga dahilan nito ang takot ng mga biktima na magsumbong at kakulangan ng malinaw at madaling ma-access na mekanismo para sa pag-uulat ng online abuse.
Hindi lamang online safety ang usapin dahil maaari rin itong magkaroon ng malubhang epekto sa mental health ng mga kabataan. Ayon sa ulat, apat na beses na mas mataas ang posibilidad na makaranas ng depresyon, self-harm at suicidal thoughts ang mga kabataang nakaranas ng naturang pang-aabuso.
Samantala, pumayag kamakailan ang Meta sa isang $18-bilyong settlement sa Estados Unidos na may kaugnayan sa pagbabago sa privacy at safety measures ng kanilang mga platform.
Dahil dito, nanawagan ang UNICEF sa mga pamahalaan at technology companies na palakasin ang mga polisiya at regulasyon upang mas epektibong maprotektahan ang mga bata laban sa sexual abuse at exploitation sa internet.













