KORONADAL CITY – Kinumpirma ng National Bureau of Investigation o NBI ang pagkakaaresto kay alyas “Nilong,” na hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah Maguid Remnants, kaugnay ng 2018 bombing sa General Santos City.
Sa ulat ng NBI, ala-6:20 ng umaga noong Pebrero 25 nang arestuhin ng mga awtoridad ang suspek sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Ang pagdakip ay isinagawa batay sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Dennis Apostol Velasco ng Regional Trial Court Branch 23 sa General Santos City.
Matatandaang noong Setyembre 16, 2018, isang pagsabog ang naganap sa Bonita Lying-In Clinic sa Barangay Apopong, General Santos City, kung saan walong katao ang nasugatan, kabilang ang isang tatlong taong gulang na bata.
Ayon sa intelligence reports, si “Nilong” umano ang isa sa mga nasa likod ng pagpaplano at pagpapatupad ng naturang pambobomba.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek patungong Estados Unidos via Palau ngunit na-detain ng U.S. Immigration dahil sa paglabag sa mga dokumento bago tuluyang na-deport pabalik ng Pilipinas.
Sa ilalim ng direktiba ni NBI Director Atty. Melvin Matibag, matagumpay na naisagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng NBI-CEMRO, NBI-SARDO, at PNP-CIDG.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng NBI ang suspek at nakatakdang iharap sa korte sa General Santos City upang harapin ang kanyang mga kaso nang walang inirerekomendang piyansa.













