-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Typhoon Saudel, na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes o Miyerkules sa susunod na linggo.

Huling namataan ang bagyo sa layong 2,725 kilometro silangan ng Southeastern Luzon at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras. Taglay nito ang maximum sustained winds na 130 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 160 kilometro kada oras.

Kung makakapasok sa PAR, papalitan ang pangalan ng Saudel at tatawagin itong “Obet.” Ito ang posibleng maging ika-15 tropical cyclone na mabubuo o papasok sa PAR ngayong taon at ikaapat ngayong Agosto, kasunod ng Luis, Maymay at Neneng.

Bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa kalupaan ng bansa, maaari pa ring makaapekto sa panahon ang Saudel. Ayon sa PAGASA, posibleng palakasin ng bagyo ang Southwest Monsoon o Habagat, na maaaring magdulot ng mas maraming pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.

Samantala, patuloy ding mino-monitor ang low pressure area (LPA) na dating bagyong Neneng, na huling namataan 735 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Mataas ang posibilidad nitong maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Isa pang LPA sa labas ng PAR, na nasa layong 1,220 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao, ay ganap nang naging tropical depression.

Dahil sa pinalakas na Habagat, inaasahan ngayong araw ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Northern at Central Luzon.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang maaaring maranasan sa Ilocos Region, Apayao, Abra, Benguet, Batanes at Cagayan.

Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms ang inaasahan sa Metro Manila, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON.

Pinapayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga weather bulletin ng PAGASA, lalo na habang mino-monitor ang galaw ng mga bagyo at low pressure area sa paligid ng bansa.