-- ADVERTISEMENT --

Naghain si Senator Erwin Tulfo ng Senate Bill No. 1696 o “OFW Pre-Employment Loan Assistance Act” na layong magbigay ng interest-free loan sa mga overseas Filipino workers (OFW) upang matulungan silang matustusan ang kanilang pre-departure requirements at maiwasan ang pagkalubog sa utang bago pa man sila makaalis ng bansa.

Ayon kay Tulfo, ang mga OFW ay may malaking ambag sa ekonomiya ng bansa, ngunit marami pa rin sa kanila ang napipilitang mangutang nang may mataas na interes para makapagbayad sa mga gastusin tulad ng placement fees, medical exams, training, visa, pamasahe, at iba pa.

Sa ilalim ng panukala, maaaring makahiram ang isang OFW ng hanggang P100,000 na walang interes sa loob ng unang taon ng pagbabayad.

Ang mga first-time OFWs ay bibigyan ng prioridad sa loan program at kinakailangang dumaan sa libreng financial literacy seminar bago umalis. Para matiyak ang koleksyon, kinakailangan ng co-borrower na isang kapamilya ng OFW. Maaari ding bayaran ang utang ng mga first-time OFWs sa loob ng hanggang 18 buwan.

Ang programa ay ipatutupad ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung maipapasa bilang batas.