Muling itinulak ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo ang mabilis na pagpasa ng Masterplan for Infrastructure and National Development o MIND Act upang magkaroon ng pangmatagalang direksyon ang mga infrastructure projects sa bansa.
Nananatiling nakabinbin sa Senate Committee on Economic Affairs ang panukala, na muling binigyang-diin ni Tulfo kasabay ng pagsisimula ng deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.
Ayon sa senador, kailangang nakaangkla sa isang komprehensibong national plan ang mga kasalukuyan at bagong infrastructure projects upang maiwasan ang mga proyektong natitigil, hindi natatapos o hindi pumapasa sa pamantayan.
Aniya, mas naging kapansin-pansin ang problema matapos ang sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha na naglantad sa kondisyon ng ilang tulay at kalsada, pati na rin sa mga proyektong hindi naipagpatuloy matapos mapondohan ang unang yugto.
Binigyang-diin ni Tulfo na nasasayang ang pera ng bayan kapag ang mga proyekto ay hindi napapakinabangan dahil sa kakulangan sa maayos na pagpaplano.
Iginiit din niya na dapat unahin ang pagkumpleto sa mga nakabinbing proyekto bago magdagdag ng mga bagong proyekto, habang ang mga bagong programa ay kailangang nakaayon sa national plan hanggang sa lokal na antas.
Dapat ding tiyakin, ayon kay Tulfo, na ang mga pampublikong imprastraktura ay matibay, pangmatagalan at kayang harapin ang mas matitinding epekto ng panahon, anuman ang administrasyong nakaupo.
Nauna nang sinabi ni Tulfo na pangungunahan niya ang pormal na imbestigasyon ng Senado sa mga umano’y substandard infrastructure projects na lumitaw kasunod ng mga nagdaang pag-ulan at pagbaha.













