Nagpahayag ng matinding pag-aalala si Senate Foreign Relations Committee Chairperson Erwin Tulfo kaugnay ng lumalalang tensyon sa Middle East matapos ang opensiba ng United States at Israel laban sa Iran, at ang kasunod na pagganti ng Iran sa pamamagitan ng pagpapakawala ng missiles at drones laban sa Israel at mga base ng US sa rehiyon.
Ayon kay Tulfo, ang umiinit na sigalot ay nagdudulot ng seryosong banta sa kaligtasan ng mga sibilyan, kabilang ang libo-libong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa iba’t ibang bansa sa Middle East.
Dagdag pa ng senador, naghahanda na ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang tiyakin ang pagkakaroon ng mga exit point sakaling kailanganin ang paglikas ng mga Pilipino mula sa Iran at Israel. Nakaantabay rin umano ang mga opisyal ng embahada upang magbigay ng agarang tulong sa mga kababayan sa mga apektadong lugar.
Samantala, nanawagan naman si Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian sa Department of Migrant Workers (DMW) na maging handa sa posibleng repatriation ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Binanggit din ni Gatchalian ang P2-bilyong pondo para sa Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund ng DMW, na nakalaan para sa agarang ayuda at pagpapauwi ng mga OFW na nasa panganib. Aniya, dapat maging prayoridad ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa kaya’t kinakailangang nakahanda ang pamahalaan sa anumang sitwasyon sa rehiyon.













