Lalong uminit ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos maglabas ng matinding direktiba si Donald Trump na agad aksyunan ng United States Navy ang anumang banta sa Strait of Hormuz—isang kritikal na daluyan ng pandaigdigang suplay ng langis.
Sa kanyang pahayag sa social media, iniutos ni Trump na targetin at pabagsakin ang anumang bangkang umano’y naglalagay ng mina sa naturang karagatan, kahit pa maliliit na sasakyang-dagat ang mga ito. Binigyang-diin niya na dapat ay walang pag-aatubili sa pagpapatupad ng utos.
Kasabay nito, iginiit ng Pangulo ng Estados Unidos na nagpapatuloy ang operasyon ng mga “mine sweepers” upang linisin ang nasabing ruta, at inatasan pa niyang palakasin ang operasyon nang tatlong beses upang matiyak ang kaligtasan ng paglalayag sa lugar.
Sa gitna ng tumitinding sitwasyon, muling iginiit ni Trump, kasama si Pete Hegseth, na malaki na umano ang pinsalang tinamo ng pwersa ng Iran, kabilang ang malaking bahagi ng kanilang naval fleet. Gayunpaman, nananatili pa ring aktibo ang ilang bahagi ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), partikular ang paggamit ng maliliit na bangka na umano’y ginagamit sa mga operasyong pandagat.
Ang pinakahuling pahayag na ito ay nagpapahiwatig ng posibleng paglala ng komprontasyon sa isang rehiyong matagal nang sentro ng geopolitical tensions—na may direktang implikasyon hindi lamang sa seguridad kundi pati sa pandaigdigang ekonomiya.












