Naglabas ng matinding banta si US President Donald Trump laban sa Iran, kung saan binigyan niya ang Tehran ng dalawang araw upang muling buksan ang Strait of Hormuz, o pupulbusin ng Amerika ang mga planta ng kuryente ng Iran.
Sa kanyang post sa Truth Social, iginiit ni Trump na wawasakin ng militar ng Amerika ang mga power grid ng Iran, simula sa pinakamalaki, kung hindi papayagan ang pagdaan ng mga barko sa loob ng 48 oras.
Ang tensyon ay nag-ugat mula sa de facto blockade na ipinatupad ng Iran sa naturang kipot, na dinadaanan ng 20 porsyento ng langis sa buong mundo. Dahilan ito ng pagtaas ng presyo ng langis, na umabot sa mahigit $100 kada bariles.
Bilang tugon, nagbabala ang militar ng Iran na tatargetin nila ang mga energy at desalination infrastructure ng Amerika sa rehiyon kung itutuloy ni Trump ang kanyang banta.
Sa kabila ng pagsipa ng presyo ng krudo at mga bilihin, minaliit ni Trump ang estratehikong halaga ng Strait of Hormuz sa US at sinabi niyang ang mataas na presyo ng langis ay “maliit na sakripisyo” para sa pandaigdigang seguridad.
Sa ikatlong linggo ng digmaang inilunsad ng US at Israel, umabot na sa mahigit 1,500 ang namatay sa panig ng Iran, habang 13 naman sa mga sundalong Amerikano.













