-- ADVERTISEMENT --

Ipinagmalaki ni U.S. President Donald Trump ang umano’y mga tagumpay ng kanyang administrasyon sa loob ng isang taon, partikular sa ekonomiya, seguridad, at border control.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Trump na bumaba ang core inflation sa pinakamababang antas sa loob ng mahigit limang taon.

Muli rin niyang binatikos ang nakaraang administrasyon ni Joe Biden, na aniya’y nagdulot ng pinakamataas na inflation sa kasaysayan ng Amerika — isang pahayag na kinukuwestiyon naman ng kanyang mga kritiko.

Ipinunto rin ng Pangulo ang umano’y paglakas ng stock market, na nakapagtala raw ng 53 all-time record highs mula nang siya ay mahalal. Dagdag pa niya, umabot sa higit $18 trillion ang investments na nahikayat ng kanyang administrasyon sa unang taon pa lamang ng kanyang panunungkulan.

Sa usapin ng immigration, sinabi ni Trump na bumaba ng 56% ang pagpasok ng illegal fentanyl sa bansa at naitala ang pinakamababang bilang ng illegal immigrants sa US-Mexico border noong nakaraang taon. Iginiit niyang bunga ito ng mas mahigpit na pagpapatupad ng border policies.

Binigyang-diin din niya ang pagpapalakas sa militar at kapulisan, at sinabing mas iginagalang na muli ang Amerika sa pandaigdigang komunidad.

Bilang bahagi ng kanyang talumpati, pinuri rin ni Trump ang US hockey team sa pagkapanalo ng gintong medalya sa Winter Olympics, na aniya’y sumisimbolo sa patuloy na lakas at pagkakaisa ng bansa.