-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng White House na dadalo si US President Donald Trump sa FIFA World Cup Final kung saan maglalaban ang Spain at Argentina para sa korona ng pandaigdigang football.

Ayon kay White House Press Secretary Karoline Leavitt, inaabangan ng pangulo ang championship match at nais nitong ipakita ang kakayahan ng Estados Unidos bilang host ng isa sa pinakamalalaking sporting events sa buong mundo.

Samantala, sinabi ni FIFA President Gianni Infantino na makakasama ni Trump sa seremonya ang FIFA para sa tradisyunal na paggawad ng World Cup trophy sa mananalong koponan sa New Jersey New York Stadium.

Ipinaliwanag ni Infantino na bahagi na ng tradisyon sa mga nakaraang torneo ang pagsama ng lider ng bansang nagho-host at ng FIFA president sa ceremonial handover ng tropeo. Sa 2022 World Cup sa Qatar, sina Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani at Infantino ang nag-abot ng tropeo sa Argentina, habang noong 2018 World Cup sa Moscow, si Russian President Vladimir Putin ang nagbigay nito sa France.

Gayunman, hindi pa nakakadalo si Trump sa alinmang laban sa kasalukuyang World Cup. Hindi rin matukoy ng White House kung alin sa dalawang finalist—Spain o Argentina—ang kanyang susuportahan.

Bago ang inaabangang final, dadalo rin ang US President sa FIFA reception na gaganapin sa Trump Tower sa New York City.

Ang championship match ng FIFA World Cup ay gaganapin sa Lunes, alas-3 ng madaling araw oras sa Pilipinas, kung saan itataya ng Spain at Argentina ang pagkakataong makamit ang pinakamataas na karangalan sa football.