-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Trahedya ang sumalubong sa pamilya Calaya matapos masawi ang mag-ama sa mismong kaarawan ng kanilang anak, nang mabangga ng truck na may kargang pinya sa Sitio Crossing Kahoy, Barangay Lamcaliaf, Polomolok, South Cotabato, nitong Miyerkules ng hapon, Oktubre 22, 2025.

Kinilala ang mga nasawi na sina Michael Calaya, 38-anyos, at ang anak nitong si “Boknoy,” 15-anyos. Sugatan naman ang asawa ni Michael na si Neneng Otic, pawang mga residente ng Sitio Lemblisong, Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang naturang truck dahilan upang masagasaan nito ang sinasakyang motorsiklo ng mag-asawa at ng kanilang anak.

Ayon sa ulat, galing umano sa bayan ng Polomolok ang pamilya upang bumili ng cake para sa kaarawan ng kanilang bunsong anak. Sa kanilang pag-uwi, doon na naganap ang malagim na aksidente.

Kuwento ng ilang saksi, tumabi na umano sa gilid ng kalsada ang motorsiklo nang mapansin ang paparating na truck, ngunit biglang doon din dumiretso ang sasakyan na nawalan ng preno at inararo ang mga biktima.

Agad na dinala sa ospital ang tatlo, subalit idineklara nang dead on arrival ang mag-ama. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Otic.