KORONADAL CITY – Humihingi ngayon ng tulong ang isang pamilya mula Cacub, Koronadal City matapos masunog ang kanilang topdown tricycle habang nakaparada sa harap ng isang bahay sa Purok 1, Barangay Laguinbaua, Ibajay, Aklan, pasado alas-4:00 ng madaling araw nitong Biyernes, Agosto 15, 2025.
Ayon kay Nonito Soguilon, kapatid ng may-ari, nagising sila matapos makarinig ng ingay mula sa labas ng bahay at nakita na lamang ang isang motorsiklong mabilis na umalis sa lugar, na pinaghihinalaang may kaugnayan sa insidente.
Paglabas nila, tumambad ang tricycle na nilalamon na ng apoy kung saan agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP)–Ibajay at naapula ang apoy bago tuluyang matupok ang buong sasakyan.
Napag-alaman na galing dito sa Barangay Cacub, Koronadal City, South Cotabato ang nasabing topdown.
Ginamit ito ni Orlando Soguilon at ng kanyang pamilya sa biyahe patungong Barangay Badio, Numancia, Aklan upang makiramay sa burol ng kanilang ina na pumanaw noong Hulyo 23, 2025.
Ayon sa pamilya, ang tricycle ang tanging pinagkakakitaan nila, ginagamit sa paghakot ng kopra at saging. Sa kanilang biyahe, kasama rin nila ang ilang pagkain na balak iambag sa lamay.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP–Ibajay at Ibajay PNP upang matukoy ang sanhi ng sunog.
Pinaghihinalaan ng pamilya na sinadya ang insidente, lalo na’t may nakitang motorsiklong dumaan sa lugar bago sumiklab ang apoy.