-- ADVERTISEMENT --

Hindi na lamang usapin ng mga naarestong Chinese national ang sentro ng kontrobersiya sa Sanjia Steel Corp. sa Misamis Oriental, matapos mauwi sa palitan ng maaanghang na pahayag ang kaso sa pagitan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. at ng Chinese Embassy.

Kinuwestiyon ni Teodoro ang naging pahayag ng embahada kaugnay ng mga Chinese worker na naaresto sa manufacturing plant. Para sa kalihim, tila lumalampas na ang embahada sa karaniwang diplomatic role nito matapos umano nitong ipagtanggol si Chinese businessman Tony Yang, na iniuugnay sa Sanjia Steel.

Hindi rin pinalampas ng Chinese Embassy ang akusasyon. Tinawag nitong “squid tactics” ang naging tugon ni Teodoro, na ayon kay spokesperson Ji Lingpeng ay nakatuon sa mga “baseless and sensational allegations” sa halip na sa mga isyung dapat sagutin.

Iginiit ng embahada na dapat kilalanin ang rule of law at ang naging desisyon ng Department of Justice na nagbasura sa mga kaso laban sa mga Chinese worker. Ayon dito, bahagi ng tungkulin ng embahada ang pangalagaan ang karapatan ng mga Chinese national at tiyaking hindi sila mapaparusahan nang walang sapat na batayan.

Ngunit mas pinaigting pa ni Teodoro ang kanyang posisyon. Aniya, tila hindi na lamang public relations support ang ibinibigay ng embahada kay Yang kundi para na rin itong “nagla-lawyer” para sa negosyante.

Dahil dito, hinamon ng Chinese Embassy ang defense chief na magpakita ng ebidensiya sa kanyang mga alegasyon.

Ang bangayan ay nagbukas ng mas malawak na usapin: saan nagtatapos ang diplomatic assistance at saan nagsisimula ang pakikialam sa isang lokal na proseso ng hustisya? Habang ipinagtatanggol ng embahada ang karapatan ng mga Chinese national, iginiit naman ni Teodoro ang pangangailangang igalang ang legal na proseso at limitasyon ng isang foreign diplomatic mission.