-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Isinugod sa Polomolok General Hospital ang tatlong drayber matapos masugatan sa naganap na karambola ng tatlong truck sa bahagi ng Barangay Sulit, Polomolok.

Kinilala ng mga otoridad ang mga nasugatan na sina Anthony, 50 anyos, residente ng Barangay Silway 8, Polomolok; Jonald, 51 anyos, residente ng Barangay Mabuhay, General Santos City; at Rosalito, 47 anyos, residente rin ng Barangay Silway 8, Polomolok.

Batay sa imbestigasyon ng Polomolok Traffic Section, isang Mitsubishi Fuso truck na may plakang AJA 692, minamaneho ni Anthony at may biyaheng T’boli patungong Barangay Silway 8, ang bumangga sa isang Mitsubishi Fuso tanker truck na may plakang MBM 9871, pag-aari ng Dole Philippines Inc. at minamaneho ni Jonald, habang ito ay lumiliko sa kalsada.

Dahil sa lakas ng banggaan, nadamay at nasagasaan din ang isang Isuzu Forward truck na minamaneho ni Rosalito.

Lahat ng sangkot na drayber ay nagtamo ng mga sugat at patuloy na ginagamot sa ospital.

Samantala, nasa kustodiya na ng Polomolok MPS Traffic Section ang nasabing mga sasakyan habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.