-- ADVERTISEMENT --

Tatlo ang patay habang anim ang sugatan matapos mauwi sa pamamaril ang kaguluhan sa pagitan ng mga supporters ng magkaribal na grupo sa Datu Usman Mampen, Barangay Bagua 2, Cotabato City.

Naganap ang kaguluhan sa pagitan ng mga supporters ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP at mga BFP supporters bago maghatinggabi.

Ayon kay Col. Jibin Bongcayao, hepe ng Cotabato City Police, nagsimula ang tensyon dahil umano sa pag-uunahan sa pila ng mga supporters ng magkaribal na grupo.

Bago maghatinggabi, uminit ang sitwasyon at nagharap ang dalawang grupo. Nauwi ito sa pisikal na komprontasyon at suntukan bago naganap ang pamamaril.

Tatlong katao ang nasawi sa insidente, habang anim naman ang sugatan at dinala sa iba’t ibang pasilidad medikal para sa agarang paggamot.

Kabilang sa mga nasugatan si Councilor Marouph Pabo Pasawiran.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang kumpletong pagkakakilanlan ng tatlong nasawi at iba pang mga sugatan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Tinitingnan din ng pulisya ang mga detalye na humantong sa paglala ng kaguluhan, kabilang ang pinagmulan ng pamamaril at ang mga posibleng responsable sa insidente.

Nagpatuloy ang presensya ng mga security forces sa lugar habang isinasagawa ang imbestigasyon at pangangalap ng mga ebidensya.

Nanawagan naman ang pulisya sa mga residente at saksi na magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa pagkilala sa mga responsable at pag-alam sa buong pangyayari.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.