-- ADVERTISEMENT --

Narekober ng mga awtoridad ang tatlong bangkay sa magkakahiwalay na lugar sa Basilan nitong Pebrero 1, 2026, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Bandang 8:02 ng umaga, dalawang bangkay ang nakuha ng Barangay Responders katuwang ang PCG Sub-Station Hadji Muhtamad.

Samantala, isang bangkay naman ang narekober sa Barangay Bagbagon, Lantawan bandang 10:30 ng umaga ng PCG Lantawan Sub-Station.

Kinumpirma ng PCG na ang mga narekober na bangkay ay ililipat sa Zamboanga City sakay ng isang PCG vessel para sa karagdagang proseso.

Nakipag-ugnayan na rin ang PCG Isabela sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) hinggil sa retrieval at ligtas na transportasyon ng mga labi.

Sa ngayon, ang mga narekober na indibidwal ay hindi pa nakikilala at wala pang kumpirmadong mga pangalan. Isinasailalim pa ang mga ito sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) examination bilang bahagi ng standard identification process, kabilang ang forensic analysis at dokumentasyon.

Ayon sa mga awtoridad, magbibigay ng opisyal na update sa sandaling makumpleto ang pagsusuri at makumpirma ang mga detalye. Pinayuhan ang publiko na manatiling kalmado at maghintay ng opisyal na anunsyo mula sa kinauukulang ahensya.