Dahil sa ulat na mga 25 araw na lang ang itatagal ng suplay ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa bansa, mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa bentahan nito sa merkado.
Katuwang ng pulisya sa hakbang na ito ang Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na walang negosyante ang mananamantala sa nalalapit na krisis.
Kinumpirma mismo ni Energy Secretary Sharon Garin na nakararanas na ng kakapusan sa suplay ng LPG ang Pilipinas.
Bilang tugon, ipinahayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na naglabas ng malinaw na direktiba si PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Inatasan ng hepe ang buong pwersa ng pambansang pulisya na suportahan ang mga kinauukulang ahensya sa pagtutok sa presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang mga produktong petrolyo.
Upang masiguro ang kaayusan at pagsunod sa regulasyon ng mga tindahan, nagtalaga ang PNP ng mga Market Watchdog personnel na mangangalap ng tumpak na impormasyon sa ground level tungkol sa bentahan at presyo ng LPG.
Ang lahat ng datos at ulat na malilikom sa mga pamilihan ay ipapasa direkta sa DTI at DOE, bago pormal na isumite sa opisina ng Pangulo para sa angkop na aksyon ng ehekutibo.













