Isang suicide bomber ang unang nagpaputok ng baril at kalauna’y nagpasabog ng suot na explosive vest sa loob ng isang Greek Orthodox church sa Dweil’a, sa labas ng Damascus, habang nagsasagawa ng panalangin ang mga mananampalataya nitong Linggo.
Ayon sa state media SANA, hindi bababa sa 22 katao ang nasawi habang 63 ang sugatan.
Ayon sa Ministry of Health ng Syria, ang pag-atake ay naganap sa loob ng Mar Elias Church, at ito ang kauna-unahang ganitong uri ng insidente sa Syria sa mga nakaraang taon.
Ayon sa Syrian Observatory for Human Rights, nasa 19 ang kumpirmadong patay batay sa kanilang monitoring, ngunit hindi sila nagbigay ng tiyak na bilang ng mga sugatan. Iniulat din ng ilang lokal na midya na may mga bata sa hanay ng mga nasawi.
Ayon sa mga testigo, may takip ang mukha ng suspek nang pumasok ito sa simbahan at biglang nagpaputok ng baril. Nang tangkain ng mga tao na itaboy siya palabas ng simbahan, agad itong nagpasabog ng kanyang sarili malapit sa entrance. Isa pang pari, si Meletius Shahati, ang nagsabing may ikalawang suspek na nagpaputok sa labas ng simbahan bago naganap ang pagsabog.
Wala pang grupo ang umaako sa pananagutan sa insidente, ngunit ayon kay Noureddine Al-Baba, tagapagsalita ng Interior Ministry ng Syria, lumalabas sa paunang imbestigasyon na posibleng ang Islamic State (IS) ang may kagagawan ng pag-atake.
Ayon kay Rev. Fadi Ghattas, isa sa mga pari ng simbahan, mahigit 350 katao ang nasa loob ng simbahan nang mangyari ang trahedya. “Ang mga tao’y taimtim na nananalangin sa harap ng Diyos,” aniya. Nakita raw niya mismo ang hindi bababa sa 20 bangkay sa lugar.
Sa hapon, nagtungo sa simbahan si Social Affairs and Labor Minister Hind Kabawat, ang kauna-unahang babaeng Kristiyanang ministro ng bansa, upang makiramay sa mga pamilya ng biktima at kausapin ang mga pari ng simbahan.
Sa mga litratong inilabas ng SANA, makikitang puno ng dugo at debris ang loob ng simbahan, habang makikitang umiiyak at napaluhod sa takot at lungkot ang mga nakaligtas.