Isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Davao Oriental matapos ang sunod-sunod na malalakas na lindol at patuloy na mga aftershock na nagdulot ng matinding pinsala sa mga imprastraktura at kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay Director Ednar Dayanghirang, regional director ng Office of Civil Defense (OCD) Region 11, nagpapatuloy pa rin ang monitoring sa mga apektadong lugar.
Bukod sa lalawigan, idinagdag rin sa state of calamity ang mga bayan ng Caraga, Manay, Tarragona, at Baganga dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng lindol.
Batay sa ulat, ilang mga gusali at pasilidad ang itinuring nang hindi ligtas gamitin, habang nananatiling alerto ang mga lokal na awtoridad sa posibilidad ng mga karagdagang aftershock.
Sa gitna ng tinaguriang “Trembler months,” nananawagan ang Office of Civil Defense sa publiko na maging mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at makipagtulungan sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapabilis ang rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.