-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ng Social Security System (SSS) ang mga household employers na irehistro ang kanilang mga kasambahay upang matiyak na sila ay saklaw ng mga benepisyo at proteksyon mula sa social security ng gobyerno. Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph de Claro, layunin ng inilunsad na Kasambahay Caravan, na nagsimula noong Marso 22 at isinagawa sa 43 site sa Metro Manila at Rizal, na mapadali ang pag-access ng mga household workers at employers sa mga serbisyo ng SSS.

Sa pamamagitan ng Kasambahay Caravan, magkakaroon ng pagkakataon ang mga rehistradong kasambahay na mag-aplay para sa mga SSS loan programs, tulad ng salary at calamity loans, at makakuha ng proteksyon mula sa Employees’ Compensation Program para sa mga work-related sickness, disability, o death.

Ayon naman kay SSS NCR Operations Group Acting SVP Benjamin Dolindo Jr., ang layunin ng caravan ay mapalakas ang social security coverage para sa sektor ng domestic help, na madalas ay hindi nakikinabang sa mga benepisyo ng gobyerno. Sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, obligado ang mga employer na irehistro ang kanilang mga kasambahay sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ito sa trabaho at mag-remit ng kontribusyon.

Para sa mga kasambahay na kumikita ng P5,000 o higit pa, ang employer ay kailangang ibawas ang employee share sa kanilang sahod, idagdag ang employer share, at bayaran ang buong kontribusyon sa mga accredited channels. Para naman sa mga kasambahay na kumikita ng P5,000 o mas mababa, ang employer na ang sasagot sa buong kontribusyon.

Binigyang-diin ni Social Security Commissioner Eva Arcos na ang social security ay hindi lamang isang obligasyon, kundi isang long-term investment sa kapakanan at kaligtasan ng mga manggagawa, kabilang na ang mga kasambahay. Ang hakbang na ito ay isang mahalagang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na maprotektahan ang lahat ng manggagawa, anuman ang kanilang sektor o trabaho.