KORONADAL CITY – Bumiyahe na ang Team South Cotabato na kinabibilangan ng dalawang dump trucks na puno ng mga relief goods para sa Cebu Province, bilang agarang tugon sa mga komunidad na naapektuhan ng Bagyong Tino.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Rolly Aquino, katuwang ang Provincial Engineering Office (PEO), naglalaman ang mga truck ng food packs, hygiene kits, blankets, sleeping mats, at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga pamilyang patuloy na humaharap sa pinsala at pagbaha.
Binigyang-diin ng Aquino na direktiba mismo ni Governor Reynaldo S. Tamayo, Jr. ang agarang pagpapadala ng tulong, bilang pagpapakita ng suporta at malasakit ng South Cotabato sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Inaasahang darating ngayong gabi o bukas ng umaga ang convoy sa probinsiya ng Cebu, depende sa kondisyon ng biyahe at lagay ng panahon.
Dagdag pa ng pamahalaan, handa rin silang magpadala ng karagdagang tulong kung kakailanganin pa ng mga residente.
Matatandaan na unang naghatid ng tulong ang probinsiya sa Cebu noong nakaaraan bilang tulong sa mga naapektuhan ng lindol.













