Handa si Senate President Tito Sotto na agarang aksyunan ang anumang impeachment case na posibleng ipasa sa Senado sa buwan ng Pebrero.
Tiniyak ni Sotto na ang naturang kaso ay kanyang aaksyunan “forthwith” o kaagad, alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon.
Ayon kay Sotto, hindi dapat patagalin ang proseso ng pagtalakay sa mga impeachment case upang masunod ang mga alituntunin ng batas at maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala.
Matatandaan na noong nakaraang taon, sa ilalim ng pamumuno ni dating Senate President Chiz Escudero, umabot ng ilang buwan bago naisampa sa plenaryo ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Dahil dito, naging sentro ng diskusyon ang salitang “forthwith” na binabanggit sa Konstitusyon, na ayon sa ilang kritiko ay hindi agad naipinatupad ng Senado noong mga nakaraang panahon.
Inaasahan ngayon na sa ilalim ng pamumuno ni Sotto, magiging mas mabilis at malinaw ang pag-aksyon sa anumang impeachment case.













