-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Inirekomenda ng Sangguniang Bayan (SB) ng Tampakan ang 18 buwang suspensyon kay Barangay Buto SK Chairman Eddie Loue Amora, matapos umamin ng kasalanan sa isang administrative case. Ito’y inihayag ni Vice Mayor Ric Magbanua sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Magbanua, inamin ni Amora ang kanyang mga pagkukulang at nagturo rin ng isang personal na indibidwal na diumano’y nagsilbing mentor sa kanyang maling gawain. Inako rin ni Amora ang maling paggamit ng pondo ng SK, at sinabi pa na itinuro sa kanya ng mentor kung paano “magnakaw” o gumawa ng anomalya.

Sa kapasyahan nitong Lunes, unanimous ang desisyon ng SB na patawan si Amora ng guilty sa tatlong kaso: negligence of duty, dishonesty, at misconduct, kung saan bawat kaso ay may anim na buwang suspensyon, kaya umabot sa kabuuang 18 buwan.

Kasabay nito, nanawagan si Magbanua sa lahat ng mga opisyal na huwag tularan si Amora at maging tapat sa kanilang tungkulin.

Napag-alaman na naisumite na ng SB ang rekomendasyon kay Mayor Junjun Escobillo ng Tampakan upang maipatupad ang parusa.