Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pamamaril na ikinasawi ng magkapatid na sina Prince Mohaz Salvador Matanog, SK Chairperson ng Poblacion 5, at Muamar Salvador Matanog, sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City, pasado alas-10:30 ng umaga kanina, Oktubre 4, 2025.
Batay sa inisyal na ulat ng Cotabato City PNP, sakay ng pulang Toyota Raize (plate number NFJ 8206) ang magkapatid nang tambangan ng mga riding-in-tandem. Umabot sa 94 na basyo ng bala ang narekober ng mga imbestigador sa lugar ng insidente.
Sugatan naman si Patrolman Norsaiden Laguiali, na rumesponde matapos marinig ang sunod-sunod na putok ngunit tinamaan ng bala sa paa.
Nagawa pang maipatakbo ni Muamar ang sasakyan, ngunit ilang metro lamang ang inabot bago ito huminto. Agad silang isinugod sa pagamutan, subalit kalaunan ay parehong binawian ng buhay, ayon sa attending physician.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Police Station 1, kung saan nagkaroon umano ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkasugat ng isang suspek.
Nakakuha na ng CCTV footage ang City PNP upang matukoy ang mga salarin na sakay ng dalawang motorsiklo.
Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga responsable sa krimen.